Saturday, March 10, 2012

Alas tres ng umaga, at hindi makatulog na tila nangangamba. Nagtatanong sa buhay kung kumusta na? Mga mahal na naglaho na lamang na parang bula?

Sa isang kwarto’ng naka kulong, ang isang bugso ng damdamin pilit pinapakawalan…kung iisipin? Binibigay ko naman lahat para maging Masaya pero tila may mga bagay lang na di sapat at kulang?

Bakit kaya ginawa ang isang malungkot na umaga?Isang matamlay na hamog na tila nagpapaalala sa mga mahal at kaibigang nawawala? Isang umagang maramdaman mo nalang mga luhang bumabagsak…

Umaga. Tanaw ang isang bangkang papalayo, tanging liwanag lang ang naaaninag , inaanod ng isang napaka lungkot na alon.

Malayo man, wala kang ibang maririnig kundi ang hampas ng alon.Napakalungkot na umaga samyo ang hamog na nagpapaalala sa mga nagdaang mga araw, na tila nangungumusta?

Pilit binabalikan, mga nakaraan at kung mangyayari pa ba sa susunod na pagkakataon. May mga bagay talaga na kung ano man ang mangyari, di na kayang balikan at patuloy na lamang na aalahanin.

Hanggang sa hindi mo na tanaw ang ningas ng liwanag, habang papalayo, sumasabay sa alon ng buhay at kung saan man papunta.

Isang napakalakas na pwersa ng emosyon ang pinapakawalan ngayon kasabay ang yakap ng umagang napakalungkot.

Tanaw sa dalampasigan ang isang simpleng buhay ang naroon. Tahol ng aso. Naglalagablab na apoy.Naghahanda sa isa na namang umaga. Maririnig ang musika sa radyo.Mahina lang. Mga gawaing tila nakagawian na.Paulit-ulit at walang pagkasawa.

Hanggang sa ang mga mata’y pipikit at hihintayin na lang ang pagyakap ng isang umaga, at alaala ng mga taong lumipas…..